Monday, September 21, 2009

Paggunita sa Batas Militar ni Marcos

ni Prop. Judy M. Taguiwalo

Setyembre 19, 2009



Kilala niyo ba si Leticia Jimenez Pascual Ladlad?



Siya ang unang babaeng editor- in -chief ng dyaryo ng mga estudyante ng UPLB, ang “Aggie Green and Gold” noong 1971. Mas kilala bilang Tish, naging kasapi siya ng Samahan ng Demokratikong Kabataan at College Editors’ Guild. Magpinsan si Tish at sina Leticia Jimenez Magsanoc at Inday Badiday dahil ang ama ni Tish ay kapatid ng ama ni Jimenez-Magsanoc at Inday Badiday. Nang ipinataw ang batas militar noong Setyembre 21, 1972, nag-underground si Tish, katulad ng daan daang kabataang aktibista sa panahong iyon. Huli siyang nakita noong 1975 sa may PGH Taft.



Hindi lang si Tish ang naging biktima ng batas militar. Mga 70,000 ang tinatayang ikinulong, natortyur, nawala o pinatay sa 14 na taon ng batas military. Sa partikular, inilalagay sa 3,257 ang biktima ng extra-judicial killings sa panahong iyon habang mga 769 ang nakarekord na mga biktima ng sapilitang pagkawala mula 1971 hanggang Pebrero 1986.




Iba’t ibang klaseng tortyur


Sa isang artikulong isinulat ni Alexander Martin Remollino sa bulatlat.com noong September 14 - 20, 2003, inilarawan ng mga bilanggong pulitikal ang iba’t ibang tipo ng tortyur na kanilang naranasan sa panahon ng martial law.



Pompyang: Naranasan ni Satur Ocampo at marami pang ibang bilanggong pulitikal. Sabay na pagtira ng dalawang teynga. Naglilikha ng pinsala sa pandinig



Pagpapaupo sa yelo: Pinahuhubad ang mga bilanggong pulitikal at pinauupo sa bloke ng yelo. Naranasan ni Satur.



Pangunguryente: pagkuryente sa ari, sa utong at sa noo. Satur



Water cure: Pahigain ka sa bangko at buhusan ng tubig ang iyong ilong hanggang halos malunod ka na. Ang isang bersyon ay ang paglublob ng iyong ulo sa dram o balde ng tubig.



Russian roulette: Ginawa kay Luisa Posa Dominado noong martial law. Apat na beses na nahuli si Luing noong martial law pero nakatakas o napalaya siya. Noong Abril 2007 habang nangangampanya para sa Bayan Muna, dinukot si Luing kasama si Nilo Arado sa Oton, Iloilo . Hanggang ngayon hindi pa sila nakikita.

“ Lying in air”: ang pagsalarawan ni Pete Lacaba at ni Boni Ilagan sa tortyur na naranasan nila. Pahigain ka sa pagitan ng dalawang bangko: ang ulo ay nasa isang bangko habang ang paa ay nasa kabila. Ang katawan ay suspended sa hangin. Kapag magslide down ka, bugbog ang aabutin mo.

May mga partikular na anyo ng tortyur sa kababaihan.

Sekswal na pang-aabuso: tortyur kay Laura, isa sa mga kasamahan ni Edgar Jopson noong nahuli siya. Hinaubaran sa loob ng isang airconditioned room, nilamas ang kanyang dibdig, ipinasok sa kanyang vagina ang isang talong na sinawsaw sa durog na sili .

Sekswal na serbisyo sa opisyal para ikaw ay mabuhay: si Adora Faye de Vera, PSHS graduate, UP undergrad, nahuli kasama ang dalawang magsasaka sina Rolando Federes (24 years old) at Flora Coronacion (18) noong Oct 1, 1976 sa Lucena City habang nakasakay sa treyn papuntang Bicol. Pinatay ang mga kasamang magsasaka; binuhay si Adora pero ginawa siyang concubine ng opisyal ng militar ng mahigit. Nakatakas siya noong Hunyo 1977 at naikwento ang nangyari. Si Adora Faye ang isa mga testigo sa kasong isinampa

ng mga dating bilanggong pulitikal laban kay Marcos sa Hawaii noong 1992.

Tortyur sa buntis na bihag: Si Flora Valencia Glor, 20 anyos nang inaresto noong Disyembre 24, 1974 ay kaganapan na sa pagbubuntis ng hinuli sa Labo, Camarines Norte. Dinala sa safehouse, hinubaran at sinodomize. Namatay ang sanggol na ipinaganak.

Maaaring malagpasan ng mga bilanggong pulitkal ang physical torture pero hahabol ang epekto nito sa ibang panahon. May kakilala akong bugbog-sarado noong nahuli ng martial law. Namatay siya pagkaraan ng ilang taon, sa labas ng bilangguan, dahil sa pinsalang nagawa ng tortyur sa kanyang atay. Dala-dala ni Monico Atienza ang sikolohikal na epekto ng matinding tortyur na dinaanan niya noong martial law kahit na noong nagtuturo na siya sa UP, mahigit dalawang dekada pagkatapos ng tortyur.


Bakit may tortyur? Sinasabi ng iba, bahagi ito ng kulturang militar dahil talamak ang hazing sa hanay nila mismo. Meron ding artikulo na naglantad na noong batas military, kumikita ang mga sundalo ng dagdag na P3,000 sa bawat nahuli, natortyur o pinatay. Sa karanasan nating sa Pilipinas at sa karanasan ng ibang bansa, bahagi ang tortyur sa sistematikong panunupil sa mga makabayan at rebolusyonaryo. Saksi ang Fort Santiago sa iba’t ibang tortyur na dinanas ng mga Filipino sa panahon ng mga Kastila at sa panahon ng kolonyalismong Amerikano. Bahagi rin ng training sa Amerika ng mga sundalo ng mga pasistang pamahalaan ng mga mala-kolonyang bansa ang interrogation techniques. Kaya hindi nakapagtataka na ang mga tortyur at pagpapahirap na dinanas ng mga militante sa mga bansa sa Latina Amerika ay kapareho sa dinanas natin dito sa Pilipinas


Ang patuloy na lumipas


Mahaba ang listahan ng mga magsasaka, manggagawa, estudyante, taong simbahan , propesyunal, katutubo, kababaihan na naging biktima ng batas militar. Patuloy na humahaba ang listahang ito sa ilalim ng rehimeng Arroyo.


Human rights victims (Jan 2001 to Mar 2009)

Violation

Victims

Extra-judicial, summary or arbitrary execution

1,013

Enforced or involuntary disappearance

202

Torture

1,036

Political prisoners

223

Tinipon ng Karapatan


Tandaan na nangyari at patuloy na nangyayari ito sa panahong walang pormal na deklarasyon ng batas militar


Masilip natin ang makahayop na pagtrato ng mga sundalo ng kasalukuyang rehimen sa kanilang mga dinukot sa ginawa sa dalawang estudyante ng UP, sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, na hinuli ng mga militar noong Hunyo 26, 2006 sa San Miguel, Hagonoy, Bulacan. Nalaman natin ang kasuklam suklam na pandarahas sa kanila dahil nakatakas ang isa sa mga kasamahan nilang bilanggo, si Raymund Manalo.


Sa akawnt ni Manalo na lumabas sa isyu ng Bulatlat noong November 25- December 1, 2007, ang iba’t ibang porma ng tortyur sa dalawang estudyante ay hindi naiiba sa naranasan ng mga bilanggong pulitikal noong batas militar. Ginahasa ang dalawang estudyante ng mga military. Pinangalanan ni Sherlyn ang mga nanggahasa sa kanya: sina Mickey, Donald and Billy. Ayon kay Manalo si Mickey ay “pandak na mataba, maputi,” ; si Billy ay “maitim, bungi, pinakamataba sa kanila, pandak.” At si Donald ay si Master Sgt. Donald Caigas, napangalanan ding sangkot sa pagpatay sa kay Eden Marcellana and Eddie Gumanoy noong Abril 2003..


“Itinali sya (Sherlyn) sa bangko, itinaas ang kanyang mga paa, binuhusan siya ng tubig sa ilong, kinuryente sya.” (She was tied to a bench, her feet were lifted, water was poured to her nose, and she was electrocute)


Dagdag pa ni Manalo: “Inuyam sila sa ginawang pananakit, ipinaalala sa kanila ang ginawang paghipo sa kanilang ari at pagpasok ng kahoy sa kanilang ari,”


Ang pagkawala nina Karen at She, ni Luisa Posa Dominado at Nilo Arado, ni Jonas Burgos sa panahon ng rehimeng Arryo ay nagpaalaala sa atin sa mga dinukot at nawala noong batas militar. Naalaala rin natin ang mga martir mula sa iba’t ibang sektor noong batas military dahil sa pagpapatuloy ng pagpaslang sa mga


Kung may Bobby de la Paz at Johnny Escandor, mga doktor na pinaslang noong batas militar, naririryan si Dr. Rogelio “Bobot” Peñera, alumnus ng Philippine Science High School at isa sa napakalimitadong bilang ng mga doktor na piniling maglingkod sa gobyerno at sa probinsiya. Pinaslang noong Hunyo 24, 2009 ng mga armadong lalaking nakabonnet sa Davao City . Tinangka ring paslangin si Dr.Chandu Claver sa Kalinga


Kung may Macliing Dulag na pinaslang noong 1980 sa Cordillera dahil sa matinding pagtutol sa Chico River Dam at sa diktadura; may Rafael Markus Bangit, lider ng Cordillera People’s Alliance na pinaslang noong Hunyo 8, 2006


Kung may Fr. Rudy Romano, isang Redemptorist priest na dinukot kasama ni Levi Ybanez noong Hulyo 11, 1985 sa Cebu City at hindi na muling nakita, may Fr. Cecilio Lucero, parish priest ng Catubig, Northern Samar, na pinaslang ng 30 armadong kalalakihan sa Sitio Puente, Bgy. Lahuyan, San Jose, Northern Samar noong Seyembre 6, 2009 . Si Fr. Romano ay aktibo sa mga anti-diktadurang pagkilos sa Cebu , habang si Fr. Lucero naman ay kasapi ng Promotion of Church People’s Response (PCPR).


Bayan, bayan ko, di pa tapos ang laban mo


Ang pagdeklara ng batas militar noong 1972 ay hindi nakapabigay lunas sa laganap na kahirapan ng mamamayan at hindi nakadurog sa kanilang diwang palaban. Ang kasalukuyang panunupil at paggamit ng dahas ng pamahalaang Arroyo para pananggalang sa isyu ng korapsyon, pandaraya, pagbebenta ng soberaniya ng bansa na inihaharap sa kanya at bilang salalayan ng kanyang pagpapanatili sa pwesto ay hindi naiiba sa ginawa ni Marcos noong panahon ng batas militar. Tulad nang nangyari sa panahon ni Marcos, tiyak na lalaganap, lalakas at sa kalauna’y magtatagumpay ang organisadong paglaban ng mamamayan sa anumang anyo ng diktadura at panunupil ng kasalukuyang rehimen.


Ang paggunita sa madilim na panahon ng batas militar ni Marcos at ang pagbigay pugay sa mga martir at bayaning nag-alay ng buhay sa paglaban sa diktadura ay makabuluhan lamang sa patuloy na paglaban sa tiraniya ng pamahalaang Arroyo.

No comments:

Post a Comment